Top Stories

Friday, October 23, 2026

Cartagena, nilinaw na 'di na kailangan ang pirma ng gob sa pagpapalabas ng ₱3.2B

by

BOAC, Marinduque — Nilinaw ni Provincial Legal Officer Benedict S. Cartagena na hindi na kailangan ang lagda ng gobernador upang mailabas ang humigit-kumulang ₱3.2 bilyong settlement funds matapos ang termination date ng escrow agreement.

Sa official press statement na inilabas nitong Biyernes, Oktubre 23, sinabi ni Cartagena na batay sa liham ng J.P. Morgan Chase Bank, N.A., Singapore Branch, na nagsilbing escrow agent, maaari nang ilabas ang pondo sa pamamagitan ng tagubilin mula lamang sa Barrick Mining Corporation matapos ang termination date noong Oktubre 4.

Ayon pa kay Cartagena, sa ilalim ng Section 3.4(b) ng kasunduan, hindi na angkop ang joint instructions na nangangailangan ng lagda ng gobernador.

BASAHIN: ₱3.2B paunang bayad sa settlement agreement ng Barrick Gold, naideposito na

Kasunod ito ng paglilipat noong Oktubre 16 ng unang bayad na US$50.71 milyon sa trust fund account ng pamahalaang panlalawigan, sa kabila ng hindi paglagda ni Go sa naturang kasunduan.

Kinuwestiyon naman ng gobernador ang hakbang umano ng ilang miyembro ng Sangguniang Panlalawigan na nag-aatas na lagdaan ang joint instructions.

BASAHIN: 8 bokal, iginiit kay Go na igalang ang desisyon ng CA 

Nagbabala ang pamahalaang panlalawigan na maaaring maapektuhan ng writ of garnishment ang humigit-kumulang ₱800 milyon na may kaugnayan sa dating legal counsel ng lalawigan, ang Salazar Enrile Defensor & De Mata Law Offices (SedaLAW).

Nag-ugat ang usapin sa 25-porsiyentong contingency fee sa Legal Services Agreement na nilagdaan noong Marso 23, 2022, kaugnay ng US$100-milyong settlement para sa pinsalang dulot ng sakuna sa minahan ng Marcopper.

Nauna nang pinagtibay ng Court of Appeals ang bisa at pagiging makatwiran ng kasunduan sa bayad sa abogado ngunit hinamon ito ng administrasyon ni Go sa Korte Suprema dahil sa paniniwalang labis ang bayad at dapat ibatay sa aktuwal na serbisyong naibigay.

BASAHIN: Kampo ni Go, ligwak sa SedaLaw; 25% contingency fee, makatwiran ayon sa CA

Nilinaw din sa pahayag na hindi nangangahulugang naibayad o naibawas na sa law firm ang tinatayang ₱800 milyon na tinukoy sa usapin ng garnishment.

Sa kabila nito, sinabi ng pamahalaang panlalawigan na tinatanggap nito ang pagpapalabas ng settlement funds, ngunit iginiit na dapat matiyak ang wastong pangangalaga at paggamit ng pera para sa kapakinabangan ng mga mamamayan, lalo na ng mga komunidad na naapektuhan ng sakuna sa Marcopper.

Wala pang itinakdang iskedyul para sa rehabilitasyon ng mga apektadong lugar, habang nagpapatuloy ang usapin sa Korte Suprema. -- Marinduquenews.org

8 bokal, iginiit kay Go na igalang ang desisyon ng CA

by

BOAC, Marinduque — Iginiit ng walong tinukoy na miyembro ng Sangguniang Panlalawigan ng Marinduque na dapat igalang ang pinal na desisyon ng Court of Appeals (CA) hinggil sa contingency fees ng Salazar Enrile Defensor & De Mata Law Offices (SedaLAW), kasunod ng liham ni Gov. Melecio J. Go noong Oktubre 6, tungkol sa Provincial Ordinance No. 250, series of 2025, at iba pang kaugnay na usapin.

Sa pinag-isang tugon nina Bokal Mark Julius Caballes, Aurelio Leva III, Ishmael Lim, Antonio Mangcucang, Mercedes Rejano, Danilo Red, Carlos de Peralta at Bertinus Valencia kay Go, sinabi nila na ang mga usaping napagpasyahan na nang pinal ng hukuman ay hindi na dapat muling buksan sa pamamagitan lamang ng palitan ng mga liham. Ayon sa kanila, naipatupad na ang kasunduan at malaking bahagi na ng mga obligasyon sa ilalim nito ay natupad na.

Binigyang-diin din mga nabanggit na board member na walang naging pagtutol ang Court of Appeals at Commission on Audit (COA) sa napagkasunduang contingency fees. Dahil dito, iginiit nilang walang sapat na batayan upang muling kuwestiyunin ang mga bayarin sa kasalukuyang yugto.

Kaugnay naman ng Provincial Ordinance No. 250, series of 2025, ipinagtanggol ng mga mambabatas ang pagtatalaga sa Marinduque Council for Environmental Concerns o Macec bilang vice chairperson ng Oversight Committee. Anila, ipinasa ang ordinansa alinsunod sa proseso ng lehislatura at sa kapangyarihang ipinagkakaloob ng batas sa Sangguniang Panlalawigan.

BASAHIN: Ordinance No. 250, ‘not in order’ ayon kay Go 

Ipinaliwanag nilang naging batayan sa pagtatalaga sa Macec ang papel nito sa mga usaping pangkapaligiran, kabilang ang pagiging permanenteng miyembro ng Provincial Development Council (PDC) sa ilalim ng Executive Order No. 69, series of 2022, at ang pakikilahok nito sa mga pagdinig kaugnay ng Writ of Kalikasan na nagbigay-daan sa Settlement Agreement.

Nilinaw rin ng mga mambabatas na ang mga itinalagang kinatawan ng Macec ay ang executive secretary at board treasurer nito, at hindi si dating Vice Governor Adeline Angeles sa kaniyang personal na kapasidad.

Samantala, ipinaliwanag ng mga lumagda sa liham na ang Resolution No. 322, series of 2026, na may kaugnayan sa pagtatapos ng legal services ng SedaLAW, ay isang opisyal na hakbang ng buong Sangguniang Panlalawigan at hindi personal na aksyon ng walong miyembrong pinadalhan ng liham ng gobernador.

Ayon sa kanila, pinag-aralan at nagkakaisang pinagtibay ang resolusyon sa plenaryo batay sa mga rekord at impormasyong iniharap sa kapulungan. Dagdag nila, natanggap ng Sangguniang Panlalawigan noong Enero 2026 ang pormal na komunikasyon ng SedaLAW hinggil sa usapin ng pagwawakas ng serbisyo nito, matapos mailabas ang Notice of Termination.

Dahil dito, hiniling ng mga bokal kay Go na linawin ang legal at administratibong batayan ng pagtatanong sa kanila nang paisa-isa hinggil sa mga hakbang na pinagtibay ng buong kapulungan.

Hiniling din nilang linawin kung ang pagpapadala ng kopya ng liham sa Office of the Ombudsman at Department of the Interior and Local Government (DILG) ay para lamang sa kanilang impormasyon o kung may hinihiling na partikular na administratibo, imbestigasyon, o iba pang opisyal na aksyon.

Sa kabila ng mga usaping ito, sinabi ng mga mambabatas na kinikilala nila ang kapangyarihan ng tanggapan ng gobernador. Gayunman, iginiit nilang dapat ding igalang ang magkahiwalay na tungkulin, kalayaan, at kapangyarihang ipinagkakaloob ng batas sa sangay ng ehekutibo at lehislatibo ng pamahalaang panlalawigan.

Binigyang-diin nilang ang kanilang mga naging hakbang ay bahagi ng pagtupad sa kanilang opisyal na tungkulin at dapat suriin batay sa umiiral na batas, mga opisyal na rekord, at mga pangyayaring umiiral noong panahong pinagtibay ang mga ito.

Sa pagtatapos, nanindigan ang walong tinukoy na dapat igalang ang tuntunin ng batas, ang mga pinal na desisyon ng hukuman, at ang kani-kanilang mandato upang mapangalagaan ang interes ng probinsya at mapanatili ang maayos na ugnayan ng ehekutibo at lehislatibong sangay ng pamahalaang panlalawigan. -- Marinduquenews.org

Thursday, October 22, 2026

Ordinance No. 250, ‘not in order’ ayon kay Go

by

BOAC, Marinduque — Ipinahayag ni Gov. Melecio Go na “not in order” ang Ordinance No. 250, series of 2025, sa liham na ipinadala niya sa Sangguniang Panlalawigan na may petsang Oktubre 6.

Layunin ng nasabing ordinansa na lumikha ng trust fund, mekanismo sa organisasyon, at komite para sa pamamahala at pangangasiwa sa pagbuo at pagpapatupad ng rehabilitation at remediation plan para sa mga lugar na naapektuhan ng dating operasyon ng Marcopper Mining Corporation (MMC).

Ipinasa at inaprubahan ang ordinansa ng 16th Sangguniang Panlalawigan noong 2025 na may titulong, "An Ordinance Providing for the Creation of a Trust Fund, an Organizational Mechanism, Management and Oversight Committee for the Formulation and Implementation of the Rehabilitation and Remediation Plan of Areas Affected by the Previous Mining Activity of Marcopper Mining Corporation (MMC) and for Other Related Purposes."

Sa ikalimang punto ng kanyang liham, kinuwestiyon din ni Go ang pagsasama sa Marinduque Council for Environmental Concerns (Macec) sa proseso ng pagpaplano, sa kabila umano ng pagkakaroon ng iba pang civil society organizations (CSO) sa lalawigan.

“What was the basis for choosing Macec, over and above the other CSO? What process was undergone to choose Macec? Or was it an appointed choice, considering Vice Governor Angeles is a member and officer of Macec?” tanong ng gobernador.

Samantala, ang Macec at tatlo nitong miyembro ang mga orihinal na naghain ng petisyon sa kasong may kaugnayan sa epekto ng pagmimina ng Marcopper, habang ang pamahalaang panlalawigan ay lumahok bilang intervenor.

Dahil dito, mahalaga ang papel ng naturang organisasyon sa usapin ng rehabilitasyon at remediation ng mga lugar na naapektuhan ng pagmimina. -- Marinduquenews.org

GCash, nagbukas ng pagkakataon sa mga ordinaryong Pilipino na mamuhunan sa stock market

by

TAGUIG CITY, Metro Manila — Hindi lamang malaking tagumpay sa negosyo ang pagpasok ng GCash sa Philippine Stock Exchange (PSE) nitong Miyerkules, Oktubre 20 kundi nagbigay rin ito ng pagkakataon sa mga ordinaryong Pilipino na unang beses na mamuhunan sa stock market.

Nakalikom ng humigit-kumulang ₱60 bilyon ang Mynt, ang kompanyang nasa likod ng GCash, sa initial public offering (IPO) nito, na kinilalang pinakamalaki sa kasaysayan ng Pilipinas.

Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang seremonya ng pagpapatunog ng kampana bilang hudyat ng pagkakalista ng Mynt sa PSE sa ilalim ng ticker symbol na GCASH. Nagsimula ang kalakalan sa halagang ₱6.60 bawat sapi, katumbas ng presyo nito sa IPO na nagbigay naman sa kompanya ng paunang market value na tinatayang ₱442 bilyon.

Sinabi ni Pangulong Marcos Jr. na sa pamamagitan nito ay maaari nang mag-invest ang ordinaryong mamamayan sa stocks gamit ang kanilang GCash application.

Nakiisa rin sa gawain ang iba’t ibang business leaders at capital market officials sa bansa kabilang sina Ayala Corporation Chairman Jaime Augusto Zobel de Ayala, Mynt Chairman Ernest Cu, Mynt President at CEO Martha Sazon, at PSE President at CEO Ramon Monzon.

Ayon kay Sazon, gagamitin ng kompanya ang karagdagang pondong nalikom upang palawakin pa ang mga serbisyong pinansiyal nito.

Dagdag niya, ang pagiging pampublikong kompanya ay hindi ang katapusan ng kanilang paglalakbay, kundi pagkakataon upang mas mapalawak ang serbisyo sa mga Pilipinong wala pang access sa pormal na serbisyong pagbabangko at iba pang serbisyong pinansiyal.

Binigyang-diin naman ni Cu na ang pag-unlad ng GCash sa nakalipas na 22 taon, mula sa simpleng serbisyo ng pagpapadala ng pera gamit ang text message hanggang sa pagiging isa sa mga pangunahing digital financial platform sa bansa.

Ipinakikita ng pagpasok ng Mynt sa stock market ang posibilidad na mas mapalapit sa mga ordinaryong Pilipino ang pamumuhunan sa pamamagitan ng mga digital platform. –  This article is brought to you by GCash / Marinduquenews.org

₱3.2B paunang bayad sa settlement agreement ng Barrick Gold, naideposito na

by

 

BOAC, Marinduque — Naideposito na sa trust fund account ng pamahalaang panlalawigan ng Marinduque ang paunang bayad na $50.71 milyon o katumbas ng humigit-kumulang ₱3.22 bilyon mula sa settlement agreement ng Barrick Gold Corp.

Sa programang Love Lyn Angeles, kinumpirma ni Marinduque Council for Environmental Concerns (Macec) officer at former vice governor Adeline Angeles na matagumpay na nailipat ang pondong nagkakahalaga ng $50,711,586, o ₱3,216,635,899.98 batay sa kasalukuyang umiiral na palitan na ₱63.43 kada dolyar, noong Biyernes, Oktubre 16, sa pamamagitan ng escrow agent na JPMorgan Chase & Co.

Ayon kay Angeles, nangyari ang paglilipat ng pondo sa kabila ng hindi paglagda ni Gov. Melecio Go sa joint instructions na dapat sana ay magpapahintulot sa pormal na paglalabas ng pera mula sa escrow account.

“Supposedly, ang gagawin ay ang Barrick at ang provincial government ay gagawa ng joint instructions doon sa escrow agent at sasabihin na, ‘Okay, i-release na ninyo ’yong pera sa provincial government.’ So, agad na pumirma ang Barrick, pero ang ating iginagalang na gobernador ay hindi pumirma diyan sa joint instructions na iyan,” pahayag ni Angeles.

BASAHIN: Tagas ng basurang mina mula sa San Antonio Pit, patuloy na sumisira sa ilog ng Mogpog

Gayunman, nagpasya ang Barrick na atasan ang JPMorgan Chase & Co. na ilipat ang pondo matapos matanggap ang liham mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) at ang iba pang dokumentong kinakailangan sa ilalim ng kasunduan.

Ang nasabing halaga ay bahagi ng kabuuang $100 milyong settlement agreement sa pagitan ng pamahalaang panlalawigan at Barrick, na kumakatawan sa halos ₱6 bilyon, kaugnay ng matagal nang legal na laban sa pinsalang pangkapaligiran na iniugnay sa operasyon ng Marcopper Mining Corp. sa lalawigan.

Batay sa 32-pahinang desisyong inilabas noong Oktubre 3, 2025, pinagtibay ng dating 10th Division ng Court of Appeals ang settlement agreement at ibinasura with prejudice ang writ of kalikasan na inihain noong 2011, na nagresulta sa tuluyang pagwawakas ng kaso.

BASAHIN: Kampo ni Go, ligwak sa SedaLaw; 25% contingency fee, makatwiran ayon sa CA 

Sa ilalim ng kasunduan, babayaran ng Barrick ang kabuuang $100 milyon sa loob ng tatlong taon. Ang kumpanya ang bumili sa dating shareholder ng Marcopper na Placer Dome. Ilalagak muna ang pondo sa escrow account bago ilipat sa account ng pamahalaang panlalawigan para sa mga layuning pinahihintulutan ng kasunduan at kapakinabangan ng probinsya.

Samantala, ang natitirang $50 milyon ay babayaran sa tatlong hulugan: tig-$17 milyon sa una at ikalawang anibersaryo ng paunang bayad, at ang huling $16 milyon sa ikatlong anibersaryo. -- Marinduquenews.org 

Tuesday, October 20, 2026

21 magsasaka sa Mogpog, tumanggap ng kalabaw

by

MOGPOG, Marinduque — Tumanggap ng tig-iisang kalabaw ang 21 magsasaka mula sa Samahan ng Magsasaka ng Barangay Magapua sa bayan ng Mogpog sa ilalim ng programang Livestock Economic Enterprise Development (LEED) Carabao Production.

Kabuuang 21 kalabaw, na binubuo ng 20 babaeng kalabaw at isang lalaking kalabaw, ang ipinagkaloob sa mga benepisyaryo kamakailan upang makatulong sa kanilang mga gawaing pansakahan at mapalakas ang kanilang kabuhayan.

Layunin ng programa na suportahan ang mga magsasaka, palakasin ang sektor ng agrikultura, at magbigay ng karagdagang oportunidad upang mapabuti ang kanilang pamumuhay.

Kasabay ng pamamahagi, isinagawa rin ang paglagda sa kasunduan ng mga benepisyaryo bilang patunay ng kanilang pagtanggap at pananagutan sa wastong pangangalaga sa mga ipinagkaloob na hayop.

Bilang karagdagang proteksiyon, isinailalim din sa insurance ng Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) ang mga kalabaw upang makatulong na mapangalagaan ang puhunan at kabuhayan ng mga benepisyaryo laban sa mga sakuna at iba pang panganib na saklaw ng seguro.

Nagmula ang proyekto sa Department of Agriculture – Agricultural Program Coordinating Office (DA-APCO) Marinduque bilang bahagi ng pagsisikap na higit pang mapaunlad ang agrikultura sa lalawigan at masuportahan ang mga lokal na magsasaka. -- Marinduquenews.org

Pangarap ng mga batang Gaspar na makakain sa Jollibee, tinupad

by

GASAN, Marinduque — Isang simpleng pangarap na naging espesyal na alaala ang natupad para sa mga bata mula sa Isla ng Gaspar sa bayan ng Gasan matapos silang bigyan ng pagkakataong maranasan ang kanilang unang pagkain sa Jollibee sa Boac.

Sa pangunguna ng Angels on Earth Foundation katuwang ang mga iskolar ng naturang organisasyon, sabay-sabay na dinala ang mga bata kasama ang kanilang mga guardian sa naturang fast-food restaurant upang matikman ang paboritong Chickenjoy at Jolly Spaghetti.

Ayon sa foundation, higit pa sa isang simpleng kainan ang karanasang ito para sa mga bata, dahil isa itong pangarap na natupad at isang alaalang mananatili sa kanilang puso at isipan.

“The joy on their faces tells a beautiful story. For these island kids, a visit to Jollibee was more than just a meal, it was a dream fulfilled. Seeing these island kids enjoy their first Jollibee experience is truly priceless,” pahayag ng foundation.

Ang Isla ng Gaspar ay isa sa tatlong isla na nasasakupan ng Barangay Pinggan sa bayan ng Gasan.

Lubos naman ang pasasalamat ng mga bata at kanilang mga magulang sa pagkakataong maiparanas sa mga chikiting ang isang karanasang para sa iba ay pangkaraniwan lamang, ngunit isang malaking bagay para sa mga batang naninirahan sa isla.

Ayon kay Ren-cie Lumagui, kalihim ng Barangay Pinggan, maaaring maliit na bagay lamang ito para sa ilan, ngunit napakalaking karanasan para sa mga bata ng Gaspar.

“Maliit na bagay para sa iba, normal na scenario sa buhay ng iba, pero napakalaking bagay na para sa mga bata sa Gaspar Island,” ani Lumagui.

Sa pamamagitan ng simpleng gawaing ito, hindi lamang masayang karanasan ang naibahagi sa mga bata, kundi pati ang paalala na ang pagtupad sa isang simpleng pangarap ay maaaring magdulot ng malaking tuwa at makabuluhang alaala sa buhay ng isang bata. — Marinduquenews.org

Mga miyembro ng PCGA sa Marinduque, sumailalim sa basic life support at water safety training

by

BOAC, Marinduque — Sumailalim sa Basic Life Support (BLS) at Water Safety Training ang mga miyembro ng Philippine Coast Guard Auxiliary (PCGA) 510th Squadron sa isinagawang pagsasanay ng PCGA 510th Squadron sa pakikipag-ugnayan sa Philippine Coast Guard Station Marinduque nitong Linggo, Oktubre 18, sa Casa Narvas, Boac.

Layunin ng gawain na palawakin ang kaalaman at kasanayan ng mga kalahok sa pagtugon sa mga emergency na sitwasyong nagbabanta sa buhay habang hinihintay ang pagdating ng mga propesyonal na medical responder.

Ginawa rin ang pagsasanay bilang paghahanda sa nalalapit na Oplan Undas gayundin ang parating na holiday seasons.

Kabilang sa mga tinalakay at isinagawang aktibidad ang first aid, basic life support, water safety orientation, at emergency response upang maihanda ang mga kalahok sa pagbibigay ng agarang tulong sa mga nangangailangan.

Pinangunahan ni AUX CDR Rowena Orencio-Bishop, Deputy Chief for Training and Education ng PCGA 510th Squadron, ang pagsasanay na dinaluhan ng tinatayang 15 kalahok.

Sa pamamagitan ng naturang aktibidad, layong mapalakas ang kahandaan ng mga miyembro ng PCGA sa pagresponde sa mga emergency at pagsasagawa ng mga hakbang na makatutulong sa pagliligtas ng buhay. -- Marinduquenews.org

Friday, October 16, 2026

4 na araw na nawawala, mangingisda sa Gasan patay na ng matagpuan

by

GASAN, Marinduque — Natagpuang wala nang buhay ang mangingisdang si Melchor Guevarra bandang 8:00 a.m. nitong Biyernes, October 16, matapos ang apat na araw na paghahanap sa kanya.

Ayon kay Philippine Coast Guard Sub-Station Gasan chief Denmark Cueto, natagpuan ang bangkay ni Guevarra sa laot ng Melchor Island, sa tapat ng Barangay Bacongbacong, may dalawang nautical miles mula sa baybayin.

Ayon sa pamilya, umiinom ng maintenance medicine para sa sakit sa puso ang biktima. Hinala nilang maaaring inatake ito habang nangingisda, bagama’t hindi pa ito ang kumpirmadong sanhi ng ikinamatay ng kanilang padre de pamilya.

Nagpaabot naman ng pasasalamat ang pamilya sa lahat ng tumulong sa paghahanap kay Guevarra. -- Marinduquenews.org

Bangkang biyaheng Torrijos, nasiraan sa Simara; 8 pasahero nasagip

by

 TORRIJOS, Marinduque -- Nasagip ng Philippine Coast Guard (PCG) Sub-Station Corcuera ang walong indibidwal matapos masiraan ang sinasakyan nilang bangkang de motor sa bahagi ng isla ng Simara, Romblon, Huwebes ng hapon, Oktubre 15.

Batay sa ulat ng Corcuera Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), mula sa Romblon ang mga sakay ng bangka at pauwi na sana sa Barangay Suha, Torrijos, Marinduque.

Ligtas ang lahat ng pasahero matapos ang mabilis na pagresponde ng PCG Corcuera. Agad din silang inasikaso ng MDRRMO at Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) para sa paunang tulong, pagkain at pagsusuri sa kanilang kalagayan.

Pansamantala silang nananatili sa tanggapan ng MDRRMO Corcuera habang hinihintay ang kanilang ligtas na pag-uwi sa kanilang tahanan. -- Marinduquenews.org